Lahat naman tayo may kanya-kanyang konsepto ng salitang paborito. Aminin mo, kahit naman sa ibang bagay, iba-iba tayo ng konsepto. Ganyan kasi talaga ang buhay, hindi tayo pare-pareho.
Wow libro. Oo, mahilig ako magbasa at mahilig akong maniwala sa mga nababasa; minsan tinatapos ko, minsan naman ako ang natatapos kasi naiiwan akong mukhang tanga--kasi di ko naintindihan, hindi para sa akin ang istorya.
Sa dami ng binasa ko simula nung bata ako, ngayon lang ako kumapit sa isang libro na kung ituring ko sa ngayon ay pinaka-paborito. Paborito? Sa dahilang ang tagal ko ng gustong mabasa ito, bumilang ako ng mahabang panahon para mahawakan at masimulang basahin ito. Dati, nakikita ko lang, nababasa ko ang likod, hinuhulaan ko ang pinaka-istorya. Di ako nagkaron dati ng pagkakataon para mabili at mabasa. Ang daming naging dahilan at saka minabuti kong magbasa na lang ng mga librong kung hindi mura o walang kwenta, eh mga librong patapon at di na dapat na nasulat pa.
Masyado akong nadismaya sa huling libro na aking binasa. Di nakakaaliw kaya ginawa ko lahat para makuha ang paborito ko na patuloy kong ninanasa. Hindi naman pala mahirap gaya ng inakala ko, at eto sa wakas, nakuha ko na ang librong ang tagal ko ng pinapantasya. Nagawan ko ng paraan para makuha sya, ang galing ko talaga. Kulang na lang magtatalon ako sa tuwa na sa wakas, nasa kamay ko na.
Dali-dali kong binuksan, tiningnan ang laman. Di ko muna binasa, pinagmasdamn ko muna, niramdam ko at niyakap ang librong matagal ko ng pangarap. Pilit kong iniisip bakit di ko mabitawan at bakit hindi maintindihan ng aking mga kaibigan. Hindi naman daw maganda ang librong yan; madumi, walang aral, at puro luha lang. Sabi ko na lang, 'basta iba sya, maski ako di ko na kayang maipaliwanag pa.' Dahil pera ko naman at hindi naman ako humingi o nangutang, binili ko pa rin ang libro kahit labag sa kanilang kalooban. Bakit? Ako naman ang babasa at hindi sila, diba? Hindi ko naman sinabing, basahin din o di kaya naman ay tanggapin.
Sinimulan ko ng basahin. Tangina, iba talaga! Araw-araw kong binabasa, araw-araw akong sumasaya. Oo, minsan di maganda ang sinasabi ng ibang pahina, pero habang tumatagal, para sa akin ay lalong gumaganda ang istorya. Habang binabasa ko, lumalalim ang interes, nabubuhay ang iba't ibang pag-asa. Nakaka-aliw, nakaka-iyak, nakaka-kilig. Lahat na yata ng pakiramdam, naramdaman ko na, lintek na libro to, iba ka pala talaga!
Kaya lang, hindi naman araw-araw may oras ako para umupo at magbasa, may mga panahon ding pagod ako at ayoko muna syang makita. May araw din naman na hindi ko alam kung asan sya; maaring nailagay ko ibang lagayan o biglang may humiram pansamantala. Ngayon hawak ko ang librong ang tagal kong pinangarap na mabasa. Asa gitna pa lang ako ng istorya, malayo pa sa katapusan. Hindi ko naman inakala na ang librong to ay mahaba pala, akala ko katulad lang ng iba, maikli at walang kwenta.
Sa una masaya talaga, pero gaya ng nasabi ko na, lumalalim habang dumadaan ang mga araw at ang ngiti ay nawawala na. Napapalitan ng pag-iisip, pag-aaalala, pangamba, at pag-asang minsan meron, minsan wala. Ngayon, gabi na. Pagod na ang aking mga mata, pero gusto kong matapos ko na. Pinipilit kong tapusin. At ang mismong kabanatang aking binabasa, ay tila ayaw akong mahiga, nagbibigay ng kwentong kaaya-aya.
Eto na yun eh, eto na ang librong dati ay akala kong hindi ko kelan man makukuha. May pagkakataon akong patuloy na magbasa o itigil na dahil masakit na sa mata. Alam ko naman ako lang makakasagot nyan. Hindi ko lang alam kung tutuloy pa ba ako sa paglipat sa sunod na pahina o isasara ko muna at ipagpapabukas na.
Ang hirap naman. Pag tinuloy ko ang pagbabasa, maaring di ako matuwa gawa ng baka dahil sa antok at sakit ng mata, hindi ko maintindihan at malula. Pero pwede din namang sa mga sunod na kabanata ay mawala ang aking pagod at ako ay matuwa, magpasalamat at ipagsigawan na, "grabe kang libro ka,iba ka talaga! worth all the troubles, from wanting, getting, and finally reading and settling in!"
Pero sa kabilang banda, pwede din namang ipahinga ko na lang muna ang sakit ng aking mata. Ipagpabukas na lang o kaya wag ng tapusin pa. Yun nga lang, baka pag bukas, wala na akong momentum at saya. Pero baka naman pag pinagpabukas ko, mawala na lang at di ko na makita... ang librong matagal ko ng gustong mabasa.
Hay. Taragis kang libro ka, ansakit mo sa mata, pero grabe, gustong gusto kita.
Bahala na kung ililipat ko sa sunod na pahina o ipagpabukas na lang ang mga sunod na kabanata o itigil na ng tuluyan ang aking pagbabasa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento