Maingay na naman ang paligid. Mausok. Magulo. Shet bagong taon na naman. Parang ako lang din yan, pabago-bago. Maingay, mausok, magulo. Alam ko pagpasok ng sunod na taon, wala ng magbabago. Kung ano man yun, basta yun na yon. Yun ang hindi magbabago. Alam ko lang. Basta alam ko. Mahirap ng baguhin, masyado ng huli ang lahat para maging pabago-bago. Bakit pa, alam ko naman saken na'to.
Mangarap, magmahal, magpatawad. Lahat yan sangkap ng kaligayahan. Sabihin mo mang mababaw, kumontra ka man ng walang hanggan, kung meron akong napatunayan, yun ay ang sarili mo lang ang amo ng iyong galaw. Wala ng iba. Madapa ka man sa iyong pag-galaw, matuto kang bumangon at muling sumayaw.
Walang masamang lumakad sa direksyong ikaw lang ang nakakaalam; hindi sa lahat ng oras sasabay ka sa karamihan. Ang tama sa iyo ay maaring mali sa iba at ganon din naman sila. Matuto kang bumagtas ng daang hindi mo nakasanayan, magkamali ka man, nadagdagan naman ang iyong kaalaman. Paulit-ulit ka mang maligaw, wala na silang pakialam bilang ikaw ang nagdusa, ikaw ang napagod. Kung mamalasin ka naman at hindi mo makayanan, tandaan mo, ikaw ang abogado ng sarili mo pag hinarap mo si san pedro. Walang ibang may kayang magsalaysay ng buhay mo, ikaw lang.
Ikaw ang liwanag ng sarili mong kadiliman sa paraang ikaw din ang boses ng iyong kahinaan. Dapat lang tandaan, wag abusuhin ang kakayahan, para walang mag-aalala na mga kaibigan. Sila ang lubid sa iyong buhay, ang maghihigpit ng lumuluwang mong kamalayan, o bibigti sa natitira mong katinuan. Mahalin sila at alagaan, pero hindi ibig sabihin ay maging sunud-sunuran. Makinig at magpasalamat sa pagmamahal at pag-alaga; kung totoo talaga silang kaibigan, magkaiba man kayo ng kagustuhan, di ka pa din nila iiwan.
Ikaw ang boss ng sarili mong karera, ikaw ang magdidikta kung san to papunta. Hindi sa lahat ng oras ay lagi kang masaya, ngunit di ibig sabihin ay magpapabaya ka. Kumilos ka. Walang ibang mag-aangat sa sarili mo kundi ang iyong pakikibaka.
Ikaw ang puso ng iyong mga magulang. Maswerte ka kung dalawa pa sila. Ako wala ng ama. Mahirap. Kaya kung may problema ka sa isa sa kanila, tandaan mo, anak ka lang. Hindi ko man alam ang dahilan bakit di mo yun magawa, di kita pipilitin. Ang sinasabi ko lang, mabuti ka pa, andyan pa sila. Galit ka man, ang mahalaga, andyan pa sila.
Ikaw ang utak ng sarili mong emosyon. Kung masakit na, sasabihin nila, tumigil ka na. Pero minsan, mas masakit ang tumigil sa pagsinta. Magmukha ka mang tanga, kasama yan dahil nagmahal ka.
Wag na wag kang manghuhusga. Wala ka sa katauhan at katayuan nila para magsalita ka ng isang dosena. Mahirap mabusog sa sariling salita, nakakahiya, minsan nakakasuka. Walang sino man ang may karapatan ng manghusga, tandaan mo, maski ikaw hindi perpekto. Hanggat wala ka sa sitwasyong kinalalagyan nya, tumahimik ka na lang dahil hindi mo alam, nasisira ka na.
Magdasal ka. Wala ng mas lalakas pa sa dasal na nagmula sa puso mong naniniwala.
Wag matakot. Magpatawad at humingi ng tawad. Tumawa. Umiyak. Mag-ingay. Manahimik. Magmahal. Masaktan. Magdasal.
Matutong magpasalamat. At matutong tumanggap ng pasasalamat ng iba.
Sa dilim makikita ang liwanag. Sa kasinungalingan lalabas ang katotohanan. Wag mangambang dumaan sa malubak na kalsada.
Mahal kita.